PANOORIN: Garbage Police Para Sa NCR, Pinag-aaralan – Zamora
#SaTotooLang | Isinusulong sa Metro Manila Council ang isang unified system sa pagpapatupad ng mga patakaran laban sa maling pagtatapon ng basura, kabilang ang magkakaparehong proseso sa apprehension at ticketing.

Ayon kay MMC chairman at San Juan Mayor Francis Zamora, wala pang final na kasunduan at bubuo pa lamang ng Technical Working Group para pag-aralan ang panukala.
Aniya, mahalaga rin ang disiplina ng publiko dahil ang basurang napupunta sa mga ilog, creek at drainage system ay maaaring magpalala ng problema sa pagbaha.
Hinikayat din ni Zamora ang publiko na sundin ang schedule ng garbage collection at ilabas ang basura bago dumaan ang truck upang maiwasang maiwan ito sa mga kalsada.
Samantala, sinabi niyang napag-usapan din ng MMC ang waste-to-energy bilang posibleng hakbang para mabawasan ang pagdepende sa sanitary landfills at gawing kapaki-pakinabang na enerhiya ang basurang nalilikha sa Metro Manila.
Naniniwala din Zamora na kailangang maitanim sa publiko ang mindset na “may pera sa basura” sa pamamagitan ng creative at makabuluhang paggamit muli ng solid waste.
Aniya, bukod sa tamang waste management, kailangan ding magsimula sa disiplina ng bawat mamamayan – dahil hindi aniya maaaring magreklamo sa pagbaha habang nagtatapon naman ng basura sa mga daluyan ng tubig.















