This website requires JavaScript.

PANOORIN: Aabot Sa 60% Ang Naibubulsa Mula Sa Budget Insertions – Magalong

PANOORIN: Aabot Sa 60% Ang Naibubulsa Mula Sa Budget Insertions – Magalong
Baguio City Mayor Benjamin Magalong

Aniya, may mga insertion na umano sa mga district at may mga pagkakataong barangay lamang ang kinokonsulta habang inilalabas na tila may consultation na sa local government.

Giit ni Magalong, dapat nakabatay sa local government’s Annual Investment Plan ang mga proyektong isinasama sa budget.

Ayon kay Magalong, nag-lie low ang mga mambabatas sa budget insertions dahil mahigpit si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, pero sa 2027 proposed budget, “binalik nila uli ‘yung kanilang mga insertions, budget insertions diyan. Ako papanindigan ko ‘yung binanggit ko na ‘yan.”

“Hindi lang umiimik ‘yang DPWH, pero nakuha ulit ng mga mambabatas yung kanilang mga insertions diyan, mga pork barrel. Kaya nakakalungkot isipin, hindi na tayo natuto, ganun ulit.

Siguro, lumiit ng konti habang nakatingin pa ‘yung taumbayan. Pero marami pa rin sila. Sila pa rin ‘yung contractors. ‘Yung 35 percent ‘yun lang yung kanilang bulsa. Eh paano kung sila pa ‘yung contractor? Na kalimitan naman ganun ‘yung nangyayari. O kaya sila pa rin ‘yung supplier? Eh baka aabot pa sa 60 percent ang kanilang binubulsa. Lalong lalo na na papalapit na naman ‘yung elections, eh kailangan na naman nila ng mga political capital. So ‘yan na naman sila,” sinabi ni Magalong.

Dagdag pa ni Magalong, hindi lang sa mga imprastruktura nakikialam ang mga mambabatas kundik maging sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP at sa Technical Education and Skills Development Authority.


Mga ‘buwaya’

Sinabi din ni Magalong na marami pa umano sa mga tinatawag niyang “buwaya” na dapat imbestigahan kaugnay ng mga kasong kinakaharap ng ilang mambabatas.

Tinataya din ni Magalong na wala pa sa one percent ang mga napapanagot kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Aniya, marami pa umanong kailangang imbestigahan at mapatunayan gamit ang matibay na ebidensiya.

Ayon kay Magalong, bumagal umano ang mga imbestigasyon sa flood control scandal, kaya kailangan aniyang ipagpatuloy ang pagtugis at pagsisiyasat sa iba pang sangkot.