Halloween Reading: ‘Mars, May Zombie!’ By Chuckberry J. Pascual
Editor’s note: With the publication of this excerpt from Chuckberry J. Pascual comic-horror young-adult novel, “Mars, May Zombie!” (published by Adarna House), OneNews.PH formally inaugurates its literary section under Life & Culture category.

Kabanata 1
Malinis ang banyo. Medyo nangingitim na ang singit-singit ng tiles, pero hindi pa naman nakakadiri. Wala pang mga lumot. Mas malaki rin ito kaysa karaniwan naming napupuntahan. ‘Yung huling napuntahan kasi namin sa Maya Street, maliit na nga, mabaho pa. Barado rin ang lababo, puro lumot na ang naipong tubig.
Pinihit ko ang gripo sa lababo. Malinis naman ang tubig. Binuksan ko ang cabinet sa itaas ng lababo at muntik na akong mapasigaw sa tuwa. May mga tumpok ng inaalikabok na rolyo ng tissue, sabong panligo, shampoo, at toothpaste. Hinubad ko ang suot na backpack at sinimulan itong lagyan ng mga gamit sa banyo. Masyadong malaki ang mga rolyo ng tissue, kaya kumuha na lang ako ng dalawa. Sa mga susunod na bisita na lang ang ibang tissue. Pero lahat ng sabon, shampoo at toothpaste, kinulimbat ko na.
Pagkatapos isara ang bag, dumampot ako ng isa sa mga naiwang rolyo ng tissue, at pumunta sa harapan ng inidoro. Inangat ko ang takip ng tangke. Puno ng tubig. Pinindot ko nang marahan ang flush button. May umagas na tubig. Walang mabahong amoy na sumaboy sa hangin. Agad ding tumunog ang tangke pagkatapos, pinapalitan ang tubig na nawala. Kapag sinusuwerte ka nga naman. Nakahinga ako nang maluwag nang ibaba ang pantalon at briefs hanggang sa tuhod. Nahihirapan akong kumilos sa pantalon ko dahil masikip na nga, pinuno ko pa ang mga bulsa ng mga pakete ng mixed nuts. Medyo matigas din ang mga mani—hindi madaling madurog itong mga huling nadampot ko—kaya tumutusok sa mga hita. Kailangan ko nang maghanap ng mga bagong damit. ‘Yung mas maluwag, saka mas malalim ang mga bulsa. Umupo ako at medyo kinilig sa lamig ng toilet seat.
Ang totoo, naiinggit ako sa iba. Kasi puwede silang magkalat kahit saan. Hindi kasi umuubra ‘yon sa Lola ko. “Kapag ginawa natin ‘yan, parang isinuko na rin natin ang pagkatao natin,” lagi niyang sinasabi.
Kaya hangga’t kaya, naghahanap kami ng banyo para maligo o dumumi. Suwerte kung puwede parehong gawin, pero puwede na rin kung isa lang sa dalawa ang magagawa. Ang katwiran ni Lola, marami namang puwedeng pasuking bahay. Tulad noong bahay na pinuntahan namin sa Maya Street. Sa sobrang panghi ng buong banyo, halos sumabog na ang baga ko sa pagpigil ng hininga. Ewan ko ba kung ilang daang tao na ang gumamit don. Medyo asar ako noong pauwi na kami dahil ang sabi ko kay Lola, sa Mynah kami maghanap. Hindi Maya. Pero sinarili ko na lang ang inis. Saka mas malapit naman talaga ang Maya kaysa Mynah Street, at halos hindi na nga ako makalakad dahil punong-puno na ang pantog. (Pero siyempre, may mga pagkakataong inaabutan talaga kami kung saan, at nagtitiyaga na lang talaga. Hindi na lang namin pinag-uusapan pagkatapos. Parang walang nangyari.)
Nagrorolyo na ako ng tissue sa kamay nang marinig ko ang ungol sa labas ng pinto. Mababa at mahina lang noong una, saka unti-unting lumalakas, parang nagsasalita nang galit habang nagmumumog. Dali-dali akong nagpunas at tumayo. Hindi ko pa nasusuot nang maayos ang briefs at pantalon ko nang biglang kumalabog ang pinto. Dumukwang ako at inilabas ang kutsilyo na laging nakalagay sa bulsa ng backpack. Nagsuot ako ng pantalon habang hawak ng isang kamay ang kutsilyo, saka ko dinampot ang backpack at isinukbit sa mga balikat. May narinig akong kumalantog sa lupa, may nahulog na bote mula sa backpack.
Patuloy ang kalabog sa pinto. Palakas nang palakas. Naririnig ko na ang pagkasira ng kahoy. Bakit ba ang bilis masira ng mga pinto? O nagkakataon lang na puro marupok ang pinto ng mga pinapasok naming bahay? Saka bakit ang aga nilang magising ngayon? Dati, madilim na talaga bago sila maglibot. May konting araw pa, a?
Pumwesto ako sa kabilang dulo ng banyo, para may buwelo ako sa pag-spin ng kutsilyo sa papasok. Pupuntiryahin ko sa noo, para hindi na makalapit. Hawak ko na ang kutsilyo sa isang kamay, handa nang ipukol ito, nang mapansin ko ang bote ng shampoo sa harapan ng pinto. Sayang rin ito. Mabilis akong pumunta sa gilid ng pintuan para damputin ang bote ng shampoo. Sayang rin ito, magagamit rin ito ni Lola…. Diyos ko, nasaan na nga ba si Lola?
Tuluyang nawasak ang pinto. May lumusot na braso at balikat sa loob ng banyo. Nakadukwang pa ako—inaabot ang bote ng shampoo sa sahig—kaya nahablot agad ako sa buhok. Napaluhod ako sa pagkabigla. Hinihila ako ng kamay para tumayo, pero pilit akong yumuyuko kahit halos hindi ako makahinga dahil sa pagkaipit ng tiyan. Gamit ang kaliwang kamay, hinawakan ko ang braso. Saka ko ito tinaga nang tinaga ng kutsilyo gamit ang kanang kamay.
Tumalsik ang dugo kung saan-saan. Kumalat ito sa dingding, sa sahig, sa pintong lalong nasisira. Tumulo na ito sa mukha ko, sa mga braso ko. Gusto kong masuka hindi lang dahil kulay putik ang dugo, kundi dahil mas mabaho pa ito sa putik. Sa amoy pa lang, parang nalalasahan na. E ‘yung tumulo pa mismo sa ibabaw ng labi ko?
Nakapasok na ang kalahati ng katawan sa pintuan. Umaalingawngaw ang mga ungol sa loob ng banyo. Hindi pa rin bumibitaw ang kamay sa buhok ko, naluluha na ako sa sakit. Sige lang ako sa pagtaga sa braso. Gusto kong sumigaw, pero hindi ko ginagawa. Ayokong may makarinig sa amin. Baka madagdagan pa ang mga susugod sa banyo.
May kumalantog sa sahig. Nakahawak pa rin ang kamay sa buhok ko, pero nawalan na ito ng puwersa. Pumasag ako palayo at tiningnan kung ano ang nangyari. May pugot na ulo ng lalaki sa sahig. Nakaluwa ang isang mata, nakalabas ang dila, halos matuklap na ang mga pisngi sa pagkaagnas.
Sumigaw ako nang napakalakas.
May isa pang brasong lumusot sa butas at tinakpan ang bibig ko. Hihiwain ko rin sana ito ng kutsilyo pero natigilan ako nang mapansing hindi pa nabubulok ang braso. Ibinaling ko ang tingin sa butas sa pinto. Naroon ang katawan ng zombie, halos nakasampay sa kahoy ang malaking uka sa tiyan. Punit-punit ang suot nitong kamiseta, pero matingkad pa rin ang kulay talong sa mga bahagi ng katawan nitong nakalitaw: braso (may mga taga ng kutsilyo ko ang isa), balikat (sumisilip sa punit na kamiseta), at leeg (kalahati na lang). Hindi ko na malaman ang kulay ng damit ng zombie, dahil tigmak ito ng dugong kulay putik. Gayundin ang buong banyo: parang binuhusan ng putik. Masakit sa ilong ang amoy. Ewan ko ba, hindi pa rin ako masanay-sanay.
Maingat kong inalis ang pagkakatakip ng kamay sa bibig ko. “Lola!”
Bumalik ang braso sa butas at hinila palabas ang katawan ng bangkay. Narinig ko ang paglagapak ng katawan sa sahig, saka siya sumungaw sa butas ng pinto. “Nag-flush ka na ba, Mars?”
Hindi ako agad nakasagot. Nakatingin lang ako sa hawak niyang palakol. Kaya pala naputol niya ang ulo ng zombie.
“Nakuha ko lang ito sa ibaba. Nasa ilalim ng sofa! Mantakin mo yon. Naiwan siguro ng huling pumunta dito.” Pinahid niya ng isang palad ang mga pisngi niyang puro talsik din ng dugong kulay putik. “Sige na, i-flush mo na ‘yan. Ang bantot na nga ng dugo nito, dumadagdag pa ‘yang etchas mo. Dali, kailangan na nating umalis.”
“Eto na ho.” Dahan-dahan akong tumayo.
“Ang lakas-lakas pa ng sigaw mo! Baka may mga papunta na rito.”
“Ginulat n’yo kasi ako,” katwiran ko.
“Aaah. Dapat ba nagpaalam muna ako? ‘Mars, pupugutin ko na ang ulo, ha?’ Gano’n ba?”
“Sorry na ho,” ungot ko.
“Ang lakas-lakas ng tili mo, umalingawngaw hanggang doon sa ibaba.”
Nakasimangot akong lumapit sa inidoro, pinindot ang flush button, at saka pumunta sa harapan ng lababo. Binuksan ko ang gripo at nilinis ng tubig ang kutsilyo. Pagkatapos, hinugasan ko ang braso at mukha. Binasa ko rin ng tubig ang harapan ng suot kong kamiseta. Masikip na rin pala ito sa akin. Kailangan ko na talagang maghanap ng bagong damit.
“Bilisan mo,” sabi ulit ni Lola. Binuksan na niya ang sirang pinto.
Tumutulo pa ang mukha ko at mga braso nang lumabas ako ng banyo.
“Ano ba naman ‘yan? May baon ka namang bimpo, di ba? Bakit hindi ka magpunas?” tanong ni Lola habang bumababa kami ng hagdan. Panay ang linga niya sa paligid.
Sasagot pa sana ako—nasa loob po ng bag ang bimpo, mahirap kunin!—pero natigilan ako nang marinig ang mga ungol sa labas ng bahay. May nakarinig nga sa amin.
Lumingon sa akin si Lola at sumenyas ng isang daliri sa bibig.
Tumango ako at hinigpitan ang hawak sa puluhan ng kutsilyo.
About the author
Chuckberry J. Pascual, Ph.D. is a prolific popular author and academic. He’s an associate professor at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas, where’s he’s also resident fellow of the Center for Creative Writing and Literary Studies. “Mars, May Zombie!” is available on Shopee and Lazada, and at Adarna House (contact 8352-6765 or e-mail [email protected]).